Salamat sa mga Aircon na bus sa EDSA, natapos ko na yung 2012

Hindi ako masyadong nakakapanood ng Sine ngayon, nagkataon pa na magaganda ung mga pelikulang ipinalalabas, marami na akong napalipas na pelikula. Sa hindi malamang kadahilanan hindi ko talaga alam bakit hindi na ako nanonood ng sine, dahil siguro nauso na ung “bit torrent” at saka, wala akong kasama manood ng sine, nakakasawa ng manood mag isa. 

Nung nakita ko yung trailer nung 2012, sabi ko, astig ‘to another end of the world story! Papanoorin ko sa sinehan ‘to. Maraming beses ng nagunaw ang mundo sa mga pelikula, pero ni-isa sa mga pag gunaw na ito, hindi ko man lang ito napanood sa sinehan.

Epic Fail. Loser. 

Siguro sasabihin nyo, walang hiya, walang kadating dating ‘tong si Aaron.. Uunahan ko na kayo, “Wala Talaga”. 

Balik tayo sa 2012. 

Eto na, nitong nakaraang araw, pagkatapos kong mapanood ung palabas ni Maria Ozawa sa isang astig na Aircon Bus sa EDSA, sunod kong napanood ay ung 2012! Syet! 

1/2 lang ata ang napanood ko, eh ayaw ko namang umabot ng Bulacan para lang tapusin yung palabas. Ayun, malungkot akong bumaba ng bus at humiling na sana muli kong pagsakay ng bus eh mapanood ko ung 2012 ulet. 

tinapos ko ang araw na iyon sa pag tulong ng mahimbing sa katanghaliang tapat, habang nagwawala ang mga gusgusing bata na walang paligo sa kalsada. 

Kinagabihan, umpisa na naman ng araw ko, kelangan ng pumasok ulet sa trabaho. Alam nyo ba na minsan na akong napagkamalang “Security Guard” ng hampas lupa kong kapitbahay? Dahil sa gabi ang pasok ko. “Grave Yard” Para sa mga sosyalera’t sosyalerong walang pera at “Night Shift” sa mga nagpupumilit mag ingles, na kahit naka lunch break sa mga turo-turo eh nag iingles. 

Balik ulet tayo una kong pinagsasabi.

 Ayun, sakto pagbaba ko ng traysikel, nakita ko ung bulaklaking bus, Manrose un eh, purple tapos maraming bulaklak. Sa hindi inaasahang pagkakataon, 2012 na naman ang palabas! Chamba! Sa bawat bumababang pasahero na nasa unahan eh lumilipat din ako ng upo, para lang matutukan ang pelikulang pinakaaabangan. 

Sakto din na pagsakay ko eh nasa kalagitnaan na ng palabas, nagugunaw na yung mundo, nabibiyak ung mga kalsada at kung anu-ano pa ang nangyayari sa mundo. 

Nung mga panahon na yun habang nagugunaw ung United States of America, Iniisip ko kung ano na ang nangyari sa Pilipinas kasabay ng pag gunaw ng mundo. Patay na kaya si Gloria? Nadaganan na kaya si Romulo Neri ng malaking poste ng telepono? Wasak na kaya ‘yung pagmumukha ni Chavit Singson dahil natamaan sya ng lumilipad na trak ng basura? Nasaan na kaya ang pobreng Pilipino na katulad ko, sa mga panahong nagkakagulo na sa ibang lugar dahil sa pag gunaw ng mundo? 

Isang katanungan, bakit hindi kayang gumawa ng mga Pinoy ng mga pelikulang 2012, deep impact etc.? 

Tuloy.

Sa kasamaang palad, hindi ko na naman natapos ung pelikula, hindi ko namalayan, Megamall na. Wala naman akong planong umabot ng Alabang matapos lang ung pelikula. Pagbaba ko ng bus, nagdasal na lang ako na sana… Hindi ako late sa trabaho.

 At nagtrabaho ako sa buong magdamag. Ginawa ko na namang araw ang gabi na dati ay isa lamang kasabihan, pero simula ng nauso ung Outsourcing ayun, lahat ng desperado magkatrabaho eh nagsi applyan sa mga Call Centers na nagkalat sa kung saan saan. 

Correction. Wala ako at hindi ako nagtatrabaho sa Call Center. 

Umaga na, Lumabas na si haring araw. Kelangan ko ng umuwi, nadagdagan na naman ng isa pang shade ng gray ung eyebags ko dahil sa puyat.

Sa paglalakad nakakasalubong ko yung mga tropa kong dating panggabi na ngayon at pang umaga na. may mga social life na sila ngayon. 

May mga nagsasabi na “uy musta na? antaba mo ngayon, papayat ka”. May halong insulto at pangungutya, na kung hindi ko sila kakilala eh malamang may pinaglagyan ung kamao ko sa pagmumukha nila. 

Pagsakay ko ng bus, ang plano ko lang talaga eh matulog ng mahimbing hanggang sa ako ay dumating sa aking paroroonan. Pero, sa lakas ng sounds nung bus alam ko na ung palabas… 2012. Kung sinuswerte nga naman. 

Sa wakas natapos ko din ung palabas. Pagkatapos ng ilang sakay ng bus, sa halagang 88 pesos na malayong malayo sa presyo ng tiket sa sinehan pwera pa ung pop corn at soft drinks na lasang tubig na aabot ng 350 pesos siguro kung hindi ako nagkakamali. (hindi ko na kikwentahin, hindi ako naiintindihan ng aritmetik). 

Malungkot man. Masaya Pa din. 

Sana bukas, Lunes, Ipalabas na din sa aking mga paboritong Aircon bus ‘yung… “New Moon!!!!”

Leave a comment